Home » Archives » 10. January 2008
To be a journalist is to be a fearless and incisive "inquirer" that dares to "chronicle" history without fear or favor;

To be a journalist is to act like a "tribune" that essays the truthful "journal" of every story of our "times", big or small, front page or inside page, "BIG NEWS" or even the last story before the closing credits roll;

To be a journalist is to hold a "mirror" in front of you to regularly and faithfully check the convictions and principles of what a "free press" truly stands for;

To be a journalist is to sometimes embrace your own celebrity and be a "star" that sets and upholds the "standards" of what the Filipinos of " today " are fighting for;

Ang maging mamamahayag ay tulad ng isang "bulgar" na pahina na hindi puwedeng maging sisidlan ng anumang pagbaluktot sa katotohanan, bagkus siya pa ngang lagusan upang ito ay mai-"bandera" at mai-"balita" ang mga kuwentong dapat na marining at ma-"tiktikan."

Ang maging mamamahayag ay ang pagsisiguro ng pananatili at pagsulong ng isang "malaya" at walang kinikilingang pag-"PAPATROL" , sa bawat araw, "24-0ras" dahil ang bawat kuwento ay kailangang pulsuhan, may buhay, tila isang "NEWSBEAT" na kailangang ma-"CAPTURED" dahil walang take two sa isang breaking news, walang cut, walang re-take;

Ang maging mamamahayag ay maging "SAKSI" sa "SENTRO" ng bawat pahina ng kasaysayan upang ito ang mai-"BANDILA" sa sambayanan;

Ang maging mamamahayag ay DAPAT laging sa NGALAN NG KATOTOHANAN AT TUNAY NA PAGLILINGKOD.




NANG DAHIL SA 300 PIRASO NG BUKO NG NIYOG…

January 10, 2008

 

 

Sa tagal ko sa mundo ng pamamahayag, sa dami na ng taong nakapanayam ko, akala ko, wala ng bagay o kuwento pang puwedeng makagulat o makawindang sa akin.Akala ko lang pala yun. Ito yung tipo ng  kuwentong, para kang kinakalabit at di ka tinatantanan, yung tipo ng kuwentong kasama mo hanggang sa pagtulog.

Ito yun–isang ang kuwentong ito sa mga kuwentong ganun-ang kuwento ni Lolo Cornelio Sindac, taga Baler, Quezon, 75, taong gulang at preso sa National Bilibid Prisons sa Muntinglupa.

Alam ninyo bang nakulong siya nang dahil lamang sa 300 piraso ng buko ng niyog? Qualified Theft, kapalit ay napakahabang panahon sa loob ng piitan, mula sa Provincial Jail ng Quezon hanggang dito sa Munti.

Aksidente lamang ang pagkakakilala ko kay Lolo Cornelio. Ang pakay ko doon, kaya ako sumama sa team ng Public Attorney's Office o PAO ay ang 13, natitira pang dating sundalo ng Philippine Air Force na sentensiyado sa pagpatay kina dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. at Rolando Galman. Ang aga kong nagising, kakahiya kung mahuli sa lakad, nakiki-angkas lang ako sa service ng PAO na pinamumunuan ni Atty. Persida Acosta. Paano kasi, mahigpit ang pagpapapasok sa media ngayon sa NBP mula nang sabi nila, again, sabi nila ha–ay nakatakas si dating kongresista Romeo Jalosjos. Balik Munti na si Jalosjos, pero dahil sa nagkapahiyaan, nagkabukingan, nagkapalagan—hayun—higpit tuloy sa media, ang totoo, bawal nga. Eh nag-ninja ako, blend, nakapasok.

Bukod sa 13 sundalo ng PAF, ang Aquino-Galman boys kung sila ay bansagan, nakapanayam ko rin si Norberto Manero Jr. ang convicted killer ng Italian priest na si Tullio Favali noong 1985. Need I say, exclusive? Di na, given.Pero kahit na malalaking istorya ang nakuha ko mula sa ninja stunt na iyon, ang kuwento pa rin ni Lolo Cornelio ang basta na lamang lumalabas sa bibig ko sa pag-uwi, sa pagbalik sa studio ng Net-25, sa pagkukuwento sa aking mga anak sa aking mga ginawa sa buong maghapon, sa kahit na sinong makausap ko, naisisingit, nababanggit, at eto nai-ba-blog.

1967 noong nangyari ang insidente ng sinasabing pagnanakaw. Kuwento ni Lolo Cornelio, dos pesos daw ang kada piraso ng buko ng niyog noon. Medyo may kamahalan yata ang presyo, pero malay ko ba, tantiya ko lang ay sentimos pa ang presyuhan noon, dahil 1967, pero maaaring ang presyo din ay dikta ng law of supply and demand, na ang mataas na presyo ang nagtulak kay Lolo Cornelio para nakawin umano ang 300 piraso ng buko ng niyog.

Umano ang ginamit kong salita dahil sa ganito kasi ang kuwento.

Si Lolo Cornelio ay nagmamay-ari ng 8 ektarya ng lupa sa Barangay San Jose, bayan ng Maria Aurora sa lalawigan ng Baler noon pang 1960s, lupang minana sa kanyang mga magulang. Isang araw, isang estranghero ang dumating sa lupaing iyon, mula sa ibang dako, di taal na taga Baler o taga Quezon kaya, karay ng lalakeng ito, nagngangalang Jose, ang kanyang buong pamilya, na ang mga anak noong mga panahong iyon ay paslit pa.

Nakiusap si Jose kay Lolo Cornelio na noon ay maliliit pa rin ang mga anak na sana ay mapayagan siyang makapagtayo ng maliit na kubo sa isang bahagi ng kanyang lupain. Naawa, pumayag si Lolo Cornelio.

Kalaunan, pagkatapos ng kubo, nakiusap uli ang lalaki at ang pakiusap, kung puwedeng maka-ani din siya ng ilang piraso ng buko, yung kanyang mga mababantayang puno, kung puwede daw ba na siya na ang mag-ani.

Pumayag din ang Cornelio.

Hanggang sa lumaon, kusang nagpapabagsak na lamang ng buko ng niyog ang nakikitira lamang sa kanyang lupain. Hindi siya hinahatian sa kita. Ang ginawa ni Cornelio, bago ang isang takdang malaking anihan ng buko ng niyog, nagpabagsak siya ng 300 piraso nito at sa halagang P2.00 kada piraso, naibenta niya sa halagang anim na raang piso na malaking salapi na ng mga panahong iyon.

Ang kapalit ng hakbang na iyon ni Cornelio, demandang pagnanakaw, na aniya, ayon sa ayuda at suporta ng ilang mga opisyal noon sa Agraryo sa kanilang lalawigan, kaya nakapagpursige ng kaso si Jose.

Paano ba daw niya pagnanakawan ang kanyang sariling lupa, kung ang inani niya ay mga buko ng niyog na dati nang nakatanim sa kanyang sariling lupa? Ang akala niya noong una, nagmagandang loob siya, naawa sa isang estranghero, hanggang sa kalaunan, siya ang nasadlak sa isang kaawa-awang kalagayan.

Simpleng kuwento, parang pang-barangay lang, pero nauwi sa husgado, nauwi sa napakahabang taon ng pagkakakulong!

Si Lolo Cornelio ay 75 years old na. Rekomendado nang makalaya dahil sa kanyang idad.

Pero ang siste—sa kanyang paglabas, ang nakaaway na pamilya, naroon pa rin sa kanilang lupang pag-aari aat di na nila napaalis sa loob ng mahabang panahon.

Sabi ni Lolo Cornelio, marahil kasalanan nga niya kaya siya nakulong, pero sa tingin ko ay sinasabi na lamang niya iyon upang kung may natitira pang poot sa kanyang dibdib ay maiwaksi na niya ito ng lubusan.

Ilang kaso kaya ang tulad ng ganito kay Lolo Cornelio?

Mahigit sa 20,000 libong preso ang tila-sardinas na siksikan sa NBP ngayon. Iilan lang ang nakakuwentuhan ko.

Halos lahat naman, karamihan, batay ito sa aking karanasan bilang mamahayag, sa mga lugar na tulad nito, laging maririnig ang katagang "wala akong kasalanan, napagbintangan lang ako."

Pero may mga totoong kaso ng kawalan ng hustisya na nasa loob ng NBP sa Muntinglupa.

Ewan ko kung aayon kayo, pero sa tingin ko, malinaw na isa na ang kaso ni Lolo Cornelio.

Pero kung titignan mo siya ngayon, lito man sa biglang pagharap sa isang reporter sa unang pagkakataon, sa mga tauhan ng PAO, at kay Martin Dino ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC, walang bakas ng galit sa kanyang mukha.

Bago kami naghiwalay, usal ni Lolo Cornelio, "kasalanan ko rin, nagtiwala ako sa estranghero at naniwala akong sa akin papanig ang batas ng agraryo noon."

Sabi ko kay Lolo Cornelio, pag uwi niya, sasama ako kung maari, at di na ako hihiling na magpabagsak pa siya ng isang piraso ng buko para makainom ng sabaw nito. Bibili na lang kami sa daan!

Tawa naman ang Lolo Cornelio sabay tanong, "lalaya na nga ba ako?"

Ano ba ang isasagot ko sa tanong na iyon kundi, "May awa ang Diyos Lolo, may awa ang Diyos." (wakas) 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Posted by pagesbyarlyndelacruz at 10:42 am | permalink | Add comment