To be a journalist is to act like a "tribune" that essays the truthful "journal" of every story of our "times", big or small, front page or inside page, "BIG NEWS" or even the last story before the closing credits roll;
To be a journalist is to hold a "mirror" in front of you to regularly and faithfully check the convictions and principles of what a "free press" truly stands for;
To be a journalist is to sometimes embrace your own celebrity and be a "star" that sets and upholds the "standards" of what the Filipinos of " today " are fighting for;
Ang maging mamamahayag ay tulad ng isang "bulgar" na pahina na hindi puwedeng maging sisidlan ng anumang pagbaluktot sa katotohanan, bagkus siya pa ngang lagusan upang ito ay mai-"bandera" at mai-"balita" ang mga kuwentong dapat na marining at ma-"tiktikan."
Ang maging mamamahayag ay ang pagsisiguro ng pananatili at pagsulong ng isang "malaya" at walang kinikilingang pag-"PAPATROL" , sa bawat araw, "24-0ras" dahil ang bawat kuwento ay kailangang pulsuhan, may buhay, tila isang "NEWSBEAT" na kailangang ma-"CAPTURED" dahil walang take two sa isang breaking news, walang cut, walang re-take;
Ang maging mamamahayag ay maging "SAKSI" sa "SENTRO" ng bawat pahina ng kasaysayan upang ito ang mai-"BANDILA" sa sambayanan;
Ang maging mamamahayag ay DAPAT laging sa NGALAN NG KATOTOHANAN AT TUNAY NA PAGLILINGKOD.
Another OFW is coming home…in a box.
April 28, 2008
Noong Disyembre lang ng 2007 ay umuwi sa Pilipinas si Raymundo Dimaculangan para sa isang mahabang bakasyon. 28 taon ng OFW si Raymundo. Minsan nga ay inaabot ng dalawang taon bago siya sa kanyang pamilya. Pero noong nagdaang Disyembre, sabihin na nating nilubos-lubos na niya ang bakasyon.
Kailan lamang—nakatanggap ng balita mula sa Saudi Arabia, mula sa mga kasamahan nito sa trabaho ang maybahay nitong si Nenita. Uuwi daw uli si Raymundo. Ngunit sa halip na matuwa sa muling pagbabalik ng asawa, napahagulgol ito, tila nabangi, halos walang masabi, tulala, blangko ang isipan sa bigat na nararamdaman ng dibdib.
Isang masaklap na balita ang ipinarating sa kanya.
Oo, uuwi ang kanyang asawa, sa loob ng isang kahon, wala ng buhay.
Nalaman ko ang kuwento ni Raymundo mula sa kanyang kapatid na si Lorna na nakausap ko kasama ang iba pa nilang kamag-anakan.
May dagdag na pait ang kuwentong ito dahil sa ang suspek sa pagpatay kay Raymundo ay kapwa din niya Filipino. Naganap ang krimen sa mismong quarters nito. Ilang araw na di pumapasok si Raymundo kaya pinuntahan siya ng ilang mga kasamahan sa trabaho sa kanyang quarters. Dinatnan nila itong nakakandado. Nakaparada ang service vehicle nito sa tapat ng kanyang quarters. Tumawag ng pulis ang mga kasamahang Pinoy workers. Sapilitang binuksan ang pintuan ng quarters ni Ramundo. Kasunod noon, tumambad ang malagim na sinapit ni Raymundo.
Batay sa kuwento ng mga kapwa Pinoy na kasama ng pulis na nakadiskubre sa bangkay ni Raymundo, brutal ang pagkakapaslang dito. Ginilitan ang leeg, binalian ng tadyang, at pinutulan ito ng paa.
Walang nawawalang gamit, naroon pa sa quarters nito ang itinatabing pera, may isang lamesang may nakahandang plato, kutsara, tinidor, at baso. May bisita ang biktima at kung sino man ang naging bisita nito, yun ang hinihinalang suspek sa pagpatay sa kanya.
Batay sa ulat na tinanggap ng mga kamag-anak ni Raymundo, may mga dinampot na ang Saudi Police na suspek sa kaso ng pagpatay kay Raymundo, lahat ng dinampot, kapwa nito Pinoy.
Ang isa pang mapait na katotohanang tumambad sa pamilya ni Raymundo ay ang pahayag mula sa mga opisyal ng embahada sa Saudi, maging dito sa punong tanggapan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na hindi agad-agad na maiuuwi ang bangkay ni Raymundo. Hindi priority ang ganitong mga kaso, may proseso daw, at ang proseso…"could take months"–yun ang sagot sa kanila.
May isa pang bilin ang isang opisyal ng DFA na nakausap ni Lorna nang personal. Sabi ng naturang opisyal, "Ginagawan naman nila ng paraan na mapadali, sana wag nang makarating sa media," yun ang mahigpit na bilin ng opisyal ng DFA.
Kung ikaw ang kamag-anak ni Raymundo, lahat gagawin mo maiuwi lamang ang bangkay nito para mapaglamayan at mabigyan ng marangal na libing. Ang daming nilapitan nina Lorna tungkol sa kalagayan ng kanyang kapatid. Isa lamang ako dun. Nilapitan din niya si Vice President Noli de Castro na nangako namang tutulungan sila sa abot ng kanyang makakaya.
Very disturbing indeed. Kailangan pang kung sinu-sino ang lapitan ng mga kamag-anak ng isang OFW na napaslang para lamang maiuwi ang labi nito sa kanyang sariling bayan. Nasaan na ang OWWA? Nasaan na ang iba pang ahensiya? Ano ang ginagawa ng Labor Attache? Matagal na nating alam ang lahat ng sagot sa tanong na ito.
Isang kuwento tuloy na malapit sa aking puso bilang mamamahayag ang naalala ko nang idulog sa akin ang kaso ni Raymundo.
Ito ang kuwento ng mga OFW na sina Flor Contemplacion at Delia Maga. Si Flor, binitay sa Singapore dahil sa pagpatay kay Delia, kapwa niya Pinoy, kababayan pa sa lalawigan ng Laguna. Magkaibigan sila, pero naging masaklap ang sinapit ng kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Napansin lang ng media sa kabuuan ang kuwentong ito noong malapit nang bitayin si Flor. Noong naganap ang kuwento ng pagpatay ng isang Pinay OFW sa isang kapwa OFW nito na isa ring Domestic Helper na tulad niya, halos maikli at maliit na espasyo lamang sa mga balita sa radyo, pahayagan at telebisyon ang inokopa nito.
Only when it became dramatic and sensational that the full attention of media was captured.
Yun ang isa pang mapait na katotohanan sa pagbabalita. May deadline, ang bilis ng takbo ng mga balita, may mga natatabunan, may mga nakakalimutan, may itinuturing na maliit, may itinuturing na malaki, minsan nakabatay pa sa timing at kung ano ang usong istorya. Kung bigas, bigas, kung oil, oil muna, kung impeachment, impeachment.
Nababahala akong mabibigyan lamang ng atensiyon ang kuwentong ito ni Raymundo kapag nagsimula nang gumulong ang sistema ng hustisya ng Shariya Court ng Kingdom of Saudi Arabia, kapag napatunayan na kung sino ang pumatay kay Ramundo, kapag may nahatulan na, kapag may bibitayin na.
Tiyak, may maguunahan nang makiusap sa mga opisyales ng kaharian ng Saudi Arabia para mailigtas ang kung sino mang mapapatunayang pumatay kay Raymundo. Magiging isang usaping pulitikal na naman ito. Baka nga maging "in aid of election pa."
Mamaya, tatawagan ko muli si Lorna, makikibalita ako. But I am not expecting any good news. Alam kong matagal pa ang ipaghihintay ng mga naulilang kamag-anakan ni Raymundo Dimaculangan. Wala pa sa sentro ng balita ang kanyang kuwento, wala pa sa kuwentong ito ang spotlight. Wala pang nagpapa-cute na pulitiko sa kuwentong ito.
Pansamantala, alam kong tulad ko, nakikiramay kayong lahat sa mga naulila ni Raymundo.
Uuwi siya, isang bayani, tulad ng milyun-milyon pang OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Pero uuwi siyang wala nang buhay, biktima ng isang krimen, at muling nabiktima ng kawalan ng atensiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na inasahan niyang mangangalaga sa kanya, buhay man o patay. (wakas)
Previous Comments
HI Ms. Arlyn Dela Cruz. I work for GMA7 OFW DIARIES as a program researcher. Right now we are looking for OFWs who are bound to go back home to the Philippines this March, specifically we are looking for OFW’s who are retiring and deported OFW’s. Moreover, we are also doing a story about OFW relationships. In this we would like to find husbands and wives who are strongly together, and an OFW whose father, mother or OFW relative is lost or have been a long time not seeing and communicating with each other for a long time.
Please get in touch with us through our lines at 0908 477 69 53 or 0917 9446095. Our Direct Line is 632 928 2019.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.










Unang pagbati po sa husay na manunulat ng artikulong OFW coming …in a box na si Ms. Arlyn dela Cruz.
Pakikiramay po sa mga naulila ni Raymundo Dimaculangan.
Taong Hunyo 1997 na pumanaw ang aking ama sanhi ng aksidente sa sasakyan, isa rin pong OFW na nagtratrabaho sa bansang Saudi Arabia.Napakahirap sa isang pamilya ang mapilayan at mawalan ng sandigan ng ikakabuhay.Buwan ng Hulyo ng maiuwi ang labi ng aking ama dito sa ating bansa . Isang buwan ang hinintay ,sa paghihintay bilang miyembro ng pamilya ako rin ay nakaranas ng kabigatan ng loob.Lalo na batid namin ang aming susunduin ang wala ng buhay.. Sa pamilya ni Lorna naihahalintulad ko rin ang naranasan naming pamilya, napakahirap maghintay ng ilang buwan bago makita ang labi ng kapamilya.
Sa gobyerno natin , mahirap makaupang palad ang konting tulong. Nagtungo kami sa OWWA ang naipangakong tulong ay makapag aral ang isang anak ng naulila sa kursong vocational.Inasahan na lang namin ang aming sarili matulungan para mairaos ang pang araw araw na pangangailangan.
Sa aking pagkakaalam may mga benepisyo dapat matatanggap ang mga naulila ng pamilya ng isang OFW , subalit napakahirap mahagilap ang biyaya na makakaragdag tulong .Sana hindi lang kami ang nakaranas na ganitong pangyayari.
Hangad ko mapasakamay ng pamilya nina Lorna ang mga benepisyong manggagaling sa ating gobyerno.
Posted by ben at July 23, 2008, 1:43 pm